Sunday, November 17, 2013

Munting Kahilingan



Katulad ko ay isang yagit sa gitna ng daan
Ulilang lubos akong palaboy sa lansangan
Ang tahanan ko ay sementadong kagubatan
Bubong nito ay ulap, sahig ay lupang inaapakan


Kung ako’y pagod na sa maghapong kahirapan
Ako’y naglalaro sa iyong dalampasigan
Mga alon mo’y ginagawa kong duyan
Kahit panandali, akin s’yang himlayan


Kay sarap pakinggan himig ng kalikasan
Musikang kay tamis hindi mapapantayan
Awit ng pipit kasabay ng hanging amihan
Dulot sa puso ko’y labis na kagalakan


Sa Poong Maykapal na aking dalanginan
Sana ay dinggin mo munting kahilingan
Mga haplos ni Inay muli kong makamtan
Mga awit ni Itay muli kong mapakinggan


Salamat Panginoon dalangin ko’y pinakinggan
Ako ngayon ay isang yagit tangay ng kalikasan
Subali’t bakit idinamay pa buong sambayanan
Wala tuloy naghatid sa aking huling hantungan


Kung sino man sa inyo ang nakakarinig
Hinaing at taghoy ng munti kong tinig
Kaunting tulong ninyo huwag sanang ipagkait
Sa mga ulilang naiwan sa dusa at pait…